Dating Chief Justice Artemio Panganiban, pinapa contempt sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | February 29, 2016 (Monday) | 3105

photo-copyright
Hinihiling ng kampo ni dating Senador Kit Tatad na patawan ng contempt ng Korte Suprema si dating Chief Justice Artemio Panganiban dahil sa umano’y pangingialam nito sa disqualification case ni Senador Grace Poe.

Isa si Tatad sa mga nagpetisyon sa Commission On Elections upang madisqualify si Poe sa pagtakbo nito bilang pangulo ng bansa.

Sabi ng kanyang abogado, maituturing na panghihimasok sa kaso ni Poe ang sinulat ni dating Chief Justice Panganiban sa kanyang column sa Inquirer kahapon kung saan sinabi umano nito na posibleng mauwi sa constitutional at political crisis kapag kinatigan ng mataas na hukuman ang pagdiskwlipika ng COMELEC kay Poe.

Maituturing aniya ito na banta at pagpwersa sa mataas na hukuman.

Sabi pa ni Luna, dapat isaalang alang ni panganiban ang dignidad at ang pagkasagrado ng proceedings ng korte dahil bilang dating punong mahistrado ay posibleng maka impluwensya sa pananaw ng publiko ang kanyang mga sinusulat.

Submitted for resolution na ang mga petisyon ni Poe at sinabi na mismo ng korte na maglalabas sila ng desisyon dito sa lalong madaling panahon.

Nitong nakaraang Enero, hiniling din ni Rizalito david sa Korte Suprema na ma-contempt si Panganiban dahil sa pagtalakay sa kanyang apela sa desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagsasabing natural born Filipino citizen ang senadora.

Kasalukuyang nakabinbin sa mataas na hukuman ang apela ni David sa desisyon ng SET

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: ,