Dating Makati Mayor Junjun Binay, hihintayin muna mai-raffle ang kaso bago magpipiyansa

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 2021

JUN-JUN-BINAY
Matapos maisampa ng Office of the Ombudsman ang kasong graft sa Sandiganbayan laban kay dating Makati Mayor Junjun Binay at iba pang kapwa akusado nung biyernes, inaabangan na ngayon kung anong division ang hahawak sa kaso.

Maaari kasi magkaroon ng special raffle ang korte , magbubunutan ang pitong divisions ng Sandiganbayan kung saan mapupunta ang kaso ni Binay.

Kung wala man maging special raffle, sa biyernes nakatakda ang usual raffle ng korte

Ayon sa abogado ni Binay, hihintayin muna nila na maiassign sa division ang kaso bago sila magpiyansa.

Maghahain din sila ng motion for judicial determination of probable cause na kukuwestiyon sa mga iprinisintang ebidensya ng Ombudsman laban kay Binay.

Nahaharap si binay ngayon sa kasong graft dahil sa umano’y pagbibigay ng pabor at unwarranted benefit sa Hilmarcs Corporation noong ini-award nito ang phase 4 construction ng Makati City Parking Building na nagkakahalaga ng 649 million pesos noong 2011 hanggang 2012.

Wala umanong bidding na nangyari at ibinigay agad ang proyekto sa Hilmarcs kahit hindi pa ito nagpapasa ng approved project plans at specifications.

Maliban sa graft, sinampahan din si Binay ng falsification of documents dahil umano sa pamekeke ng dokumento katulad ng invitation to bid na umano’y napublish pa sa isang pahayagan.

Pineke rin umano ng mga respondent ang counter affidavit ng editor in chief ng nasabing pahayagan upang pabalasin na napublish ang dokumentong ito kahit hindi naman.

Maliban kay Binay, labin tatlo ang nakasuhan din ng graft sa korte kabilang na dito ang dating city administrator at budget officer ng makati, habang apat naman ang kapwa akusado niya sa falsification of documents.

24 thousand ang nirerekomenda ng Ombudsman na bail kina dating Mayor Junjun Binay at iba pang akusado para sa falsification of documents habang 30 thousand naman ang sa graft.

(Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: ,