PNP-Highway Patrol Group, patuloy na nangangasiwa sa traffic sa EDSA

by Radyo La Verdad | February 19, 2016 (Friday) | 4240

HPG
Hindi inaabandona ng Highway Patrol Group ang EDSA.

Ito’y sa kabila ng hindi gaanong nakikita sa daan ang mga tauhan nito.

Paglilinaw ni HPG Director P/CSupt. Arnold Gunnacao, bagamat hindi na sila gaanong kailangan sa EDSA dahil umuusad na ng maayos ang mga sasakyan, dito pa rin ang concentration nila.

Sinabi pa ni Gunnacao na hindi rin sila nagbawas ng mga tauhan na naka deploy sa EDSA kundi nag-iikot lamang ang mga ito at pinupuntahan ang nagiging sanhi nang traffic upang maayos agad.

Bilang bahagi pang pagdi-disiplina sa mga motorista, tuloy ang gagawin nilang paghahati sa mga private at bus lanes kahit unti unti na nilang tinanggal ang malalaking orange at concrete barriers.

Aniya, papalitan lamang nila ito ng konkreto, mas maliit at manipis upang hindi maalangan ang mga driver na nagiging dahilan upang sumakop ang mga ito ng mas malaking espasyo sa EDSA.

Target ng HPG na sa loob ng dalawang buwan, malagyan na ng concrete barrier ang yellow lane sa buong EDSA.

Nagpaalala naman muli ang HPG sa mga pasaway na motorista na pumaparada sa mabuhay lanes na tuloy tuloy ang kanilang clearing operation kahit na tapos na ang holiday season.

May dalawang team silang araw araw na katuwang ng MMDA at mga local traffic enforcer na nag-aayos ng traffic sa mabuhay lanes.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: