Lalaking sugatan sa banggaan ng motorsiklo at dump truck sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | January 26, 2016 (Tuesday) | 1730

REYNANTE_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang banggaan ng motorsiklo at dump truck sa intersection ng Aurora Boulevard at Balete Street sa Quezon City dakong alas dos ng madaling araw.

Dead on the spot ang driver ng motor na si James Peter Marcelo.

Sugatan naman sa aksidente ang angkas ng motorsiklo na nakilalang si Jerome Redoble, 26 anyos na taga Tondo Maynila.

Agad binigyan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga sugat ni Jerome sa kanyang noo, tuhod at kaliwang binti.

Idinadaing din nito ang pananakit ng kanyang balikat.

Pagkatapos lapatan ng paunang lunas ay isinugod sa St. Lukes Medical Center ang biktima.

Ayon sa nakasaksi sa pangyayari, nag overtake ang motorsiklo sa isang pang motor at dire-diretso umano ito kahit na naka-red ang traffic light kaya nabangga ito ng dump truck.

Ayon sa driver ng dump truck na si Dante Borbe hindi niya nakita ang motorsiklo at nakarinig na lamang siya nang malakas na kalabog sa kanyang truck.

Nang bumaba siya sa sasakyan upang tingnan kung ano ang problema sa kanyang sasakyan ay nakita niya na nakabulagta na ang dalawang lalaki at wasak ang motor ng mga ito.

Patuloy na ang imbestigasyon ng QC Traffic Bureau para malaman kung may pananagutan sa nangyari ang truck driver.

(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , , , ,