Pinangangambahan ng mga senador na mawalan ng trabaho ang labinlimang libong health workers at nurses sa susunod na taon dahil sa malaking tapyas sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH).
103.6 bilyong piso ang pondo ng DOH ngayong taon pero 74 bilyong piso lang panukalang ilaan sa kagawaran sa susunod na taon.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, kailangan ng karagdagang 8.7 bilyong piso upang walang matanggal sa mga empleyado ng DOH. Nais sana nilang gawing casual ang mga job order ngunit kulang sila sa budget.
Sa pagdinig kanina, kinuwestyon ni Senador Franklin Drilon ang malaking ibinaba sa budget ng DOH para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) nito. 30 bilyong piso ang nakalaang pondo dito ngayong taon pero 50 milyong piso na lang ito sa proposed 2019 budget at gagamitin lamang sa monitoring ng mga proyekto.
Tiniyak naman ni Senador JV Ejercito na gagawan nila ng paraan na maiayos ang problema sa budget ng DOH upang hindi makompromiso ang kalidad ng serbisyo sa publiko.
Sinabi niya na malaking bagay ang HFEP budget para sa upgrading ng mga health facilities lalo na ng mga pampublikong ospital sa mga probinsiya.
Samantala, hindi inabrubahan ng Senate Committee on Finance ang proposed budget ng DOH dahil pag-usapan pa sa susunod na hearing ang problema sa budget allocation upang hindi makompromiso ang serbisyo sa mga Pilipino.
( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )
Tags: DOH, health workers, HFEP