15-day extension ng ECQ sa NCR, planong irekomenda ng Metro Manila Mayors

by Radyo La Verdad | May 9, 2020 (Saturday) | 23237

METRO MANILA – Isasapinal na ngayong araw ng Metro Manila Mayors, ang kanilang rekomendasyon hinggil sitwasyon ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region.

Planong irekomenda ng Metro Manila Council sa IATF na muling i-extend ng labing limang araw (15) ang ECQ sa NCR.

Sa panayam kay Paranaque City Mayor at MMC Chairman Edwin Olivarez sa programang Serbisyong Bayanihan, sinabi nito na bagaman nakakakita na sila nang unti-unting pagpatag ng kaso ng COVID-19 sa NCR mas makabubuti pa rin kung muling ie-extend ang lockdown.

Pabor ang MMC na magkaroon muli ng extension, lalo’t magkakaugnay ang mga siyudad sa NCR, at may mga tao na nakatira sa isang lungsod, subalit nagta-trabaho sa ibang siyudad sa Metro Manila.

“Sa paguusapan namin mas maganda kung maikokonsidera ng IATF na mai-extend pa for another 15 days para po yung ating inumpisahan ay magtuloy-tuloy at hindi lang mag flatten yung curve kundi maging down pababa na po yung curve regarding sa ating mga covid patient,” ayon Mayor Edwin Olivarez, Paranaque City and MMC Chairman sa panayam sa kanya ni Kuya Daniel Razon sa programang Serbisyong Bayanihan.

Sakaling palawigin pa sa 15-araw ang ECQ, kumpiyansa ang Metro Manila Mayors na kakayanin pang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga residente sa NCR.

Samantala, muli iginiit ng Malacanang na ang IATF pa rin ang magpapasya sa kapalaran ng lifting o extension ng ECQ, na dapat ay nakabatay sa siyensa, datos at kakayahan ng health care facilities.

“The ECQ will end on May 15, so I supposed a few days before May 15 dahil kinakailangang mag-transition din tayo sa GCQ para sa mga areas na pwede nang mag-GCQ (General Community Quarantine),” ayon kay Harry Roque,
Presidential Spokesperson.

Suportado naman ng Malakayang ang naunang pahayag ng DILG na may ilang LGU na sa Metro Manila ang pwede nang mag-lift ng ECQ, at maibaba na ang sitwasyon sa General Community Quarantine.

(Joan Nano)

Tags: , , , , ,