Criminal complaints vs. 90 indibidwal kaugnay ng Mamasapano incident, reresolbahin na ng Department of Justice

by Radyo La Verdad | January 14, 2016 (Thursday) | 2991

Prosecutor-Alexander-Suare
Tinapos na ng Department of Justice ang preliminary investigation sa mga commander at miyembro ng Moro Islamic Liberation Front, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at private armed groups na sangkot umano sa madugong Mamasapano incident.

Sa siyamnapung respondents sa kaso, anim lamang ang sumagot sa mga subpoena ng DOJ.

Sa anim na ito, apat lamang ang nagsumite ng kanilang counter-affidavits hanggang kaninang umaga.

Sila ay sina Mustapah Tatak, Lakiman Dawaling, Pendatun Utek Makakua at Khalim Keda.

Itinanggi ng mga ito na kasama sila sa engkwentro sa barangay Tukanalipao, Mamasapano enero noong nakaraang taon, kung saan tatlumpu’t limang miyembro ng Philippine National Police Special Action Force ang nasawi.

Noong Disyembre, sinasabing submitted for resolution ng DOJ investigating panel ang reklamong direct assault with murder at theft laban sa walumpu’t apat na suspek, matapos hindi dumalo sa preliminary investigation hearings.

Dalawang abugado lamang ang dumalo sa nakaraang mga pagdinig sina Atty Carlos Valdez Jr., legal counsel ni Makakua, at Atty Ronald Hallid Torres, legal counsel nina Tatak at Dawaling.

Samantala, nang tanungin kung makakapaglabas ng resolution ang investigating panel bago ang unang taon mula ng mangyari ang engkwentro sa Mamasapano sa Enero 25, sagot ni Prosecutor Alexander Suarez.

“We cannot give you a definite time frame or period as to the number of days we will resolve this case, but what the panel commits is that we shall expedite the resolution of the case.” pahayag ni Suarez

Umapela naman ng pag-unawa sa publiko si Justice Undersecretary Emmanuel Caparas sa kasalukuyang takbo ng kaso.

(Bianca Dava/UNTV News)

Tags: , , , , ,