MANILA, Philippines – Nilagdaan na ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTR) at ng kumpanyang Japan Transport Engineering Company (J-TREC) kasama ang local partner nito na Sumitomo Corporation ang kasunduan hinggil sa pagsu-supply ng mga bagong tren na gagamitin sa linya ng Philippine National Railways (PNR) mula Tutuban sa Maynila hanggang Malolos Bulacan.
13 bagong train set na may 8 bagon bawat isa ang inutang ng Pilipinas sa pamamagitan ng official development assistance loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Kaya nitong makapagsakay ng 2,200 mga pasahero sa bawat biyahe. Ang kumpanyang J-TREC, ang pinakamalaki at sikat na supplier ng mga tren sa Japan. Kabilang na ang Shinkansen o ang high speed bullet train na ginagamit hindi lamang sa japan, kundi maging sa iba pang mga bansa.
Batay sa pinirmahang kasunduan, nakatakdang i-deliver sa Pilipinas ang mga bagong tren sa ika-4 na quarter ng 2021. Subalit sa talumpati ni Transportation Secretary Arthur Tugade sinabi nito na kinausap nya ang japanese officials at hiniling na mas mapaaga ang pagdating ng mga bagong tren.
“We have agreed to do a fast track mechanism so that the trains committed to be delivered on the fourth quarter of 2021 shall be delivered no later than the third quarter of 2021 i have promise to the president that we will have the partial operability” ani DOTR Secretary Arthur Tugade.
Target na matapos ng pamahalaan ang PNR tutuban to Malolos project sa taong 2021. Kapag nangyari ito ang dating isang oras at kalahati na biyahe mula Tutuban hanggang Malolos, posibleng abutin na lamang ng 35 minuto.
Kaya nitong makapagserbisyo sa halos 300,000 pasahero kada araw.
May kabuoang haba na halos 38 kilometro ang PNR Tutuban to Malolos project na binubuo ng10 istasyon. Ito ang Tutuban, Solis, Caloocan, Valenzuela, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto at Malolos.
“By doing this train which has been a plan and a dream in so many years we can
now add and assure our Filipino people not only in central luzon of having a
comfortable life” ani DOTR Secretary Arthur Tugade.
(Joan Nano | Untv News)