Lalaking nabundol ng motorsiklo sa Quezon city, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | December 15, 2015 (Tuesday) | 1390

REYNANTE_TMBB
Isang 17 anyos na lalaki ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team matapos mabundol ng motorsiklo sa Tomas Morato Avenue corner Scout Lozano sa Quezon city pasado alas dos ng madaling araw.

Nadatnan ng grupo na nakahiga pa sa daan ang biktima na si Rolando Ignacio na iniinda ang tinamong sugat sa ulo at bali sa kanyang kanang binti.

Agad namang nilapatan ng UNTV News and Rescue Team ng paunang lunas ang tinamong pinsala ng biktima.

Dumating naman ang mga kapatid ng biktima matapos tawagan ng untv news and rescue team at sumama ang mga ito sa pagsugod sa East Avenue Medical Center kay Rolando.

Ayon sa isang nakakita sa pangyayari tumatawid ang biktima nang mabangga ng naka motorsiklo.

Kwento naman ng driver ng motor na si Christian Renz Belgira biglang tumawid ang biktima .

Handa naman nito na sagutin ang pagpapagamot kay Rolando.

(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,