Kampo ni Rizalito David, iniapela sa Korte Suprema ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal sa quo warranto case ni Sen. Grace Poe

by Radyo La Verdad | December 8, 2015 (Tuesday) | 5429

RIZALITO-DAVID
Dumulog na sa Korte Suprema ang kampo ni Rizalito David upang iapela ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal sa quo warranto case ni Sen. Grace Poe.

Hinihiling ng kampo ni david na baliktarin ng kataas-taasang hukuman ang desisyon ng SET na nagsasabing isang natural born filipino citizen si Senador Poe at kwalipikado itong maging senador.

Bukod dito, nais din ng petitioner na maglabas ng TRO ang korte upang pigilin ang pagpapatupad sa desisyon ng SET.

Ayon sa abogado ni David na si Atty. Manuelito Luna, nagkamali ang SET sa pagsasabing isang natural born citizen si Poe dahil wala naman itong naipakitang katibayan na pilipino ang kanyang mga magulang.

Nagkamali umano ng interpretasyon ng saligang-batas ang mayorya ng tribunal dahil ginawa nitong basehan sa kanilang naging hatol ang international convention na hindi naman nilagdaan ng pilipinas.

May pagmamalabis umano sa kapangyarihan sa panig ng mayorya ng SET nang i-dismiss ang petisyon ni David at idineklara si Poe bilang isang natural born citizen.

Gagawing suporta ng kampo ni David ang dissenting opinion ng mga mahistradong kasapi sa SET.

Magugunitang lahat ng tatlong mahistrado na myembro ng SET ay bumoto laban kay Poe at nagsabing hindi natural born citizen ang senadora.

Pagtikular na binigyang diin ng kampo ni David ang mga argumento ng chairman ng SET na si Senior Associate Justice Antonio Carpio na nagsasabing hindi otomatikong binibigyan ng citizenship ang mga foundling na gaya ni Poe.

Sa halip ay may pagdaraanang itong proseso kaya’t maituturing sila na naturalized citizen.

Samantala, ngayon na ang huling regular En Banc Session ng Supreme Court para sa taong ito at magbabalik ang kanilang sesyon sa Enero ng susunod na taon pagkatapos ng holiday break.

Ngunit una nang sinabi ng tagapagsalita ng Korte Suprema na si Atty. Theodore Te na maaari namang magdaos ng Special En Banc Session ang Korte kung kinakailangan.

Tags: , , ,