PNP- HPG, nakikipag usap na sa mga bus company para sa pagbiyahe ng premium bus sa EDSA

by Radyo La Verdad | December 3, 2015 (Thursday) | 3469

TAMAYO
Pinagpaplanuhan na ngayon ng PNP- Highway Patrol Group ang pagbiyahe sa edsa ng tinatawag na premium bus.

Ito ang pampasaherong bus na bibiyahe mula North Edsa hanggang sa Ayala, Makati City nang walang hintuan.

Ibig sabihin, sa North Edsa at Ayala lamang maaaring magsakay at magbaba ng mga pasahero ang mga premium bus.

Ayon kay HPG Spokesperson Supt. Grace Tamayo, ito ang isa sa mga naisip na paraan ng kanilang technical working group upang kahit papano ay maging madali ang biyahe ng mga magtutungo ng Makati area.

Sinabi pa ni Tamayo na layon nito na hikayatin ang mga motorista na iwan na lamang ang kanilang sasakyan sa parking area sa bahagi ng North Avenue at Ayala at sumakay na lamang ng premium bus.

Ito’y upang mabawasan ang private vehicle na dumadaan sa Edsa.

Aniya, magiging komportable naman sa bus dahil sitting capacity lamang ito at bawal ang nakatayo.

Tiniyak naman ng HPG na hindi magbabago ang kasalukuyang pamasahe sa biyaheng North Edsa to Ayala at maging ang pabalik.

Sa ngayon ayon kay Tamayo, nasa limampung units ang nakaplanong gawing premium bus na magmumula sa mga nagboluntaryong bus companies. (Mon Jocson/UNTV News)

Tags: ,