Dating MRT Gen. Manager Al Vitangcol at lima pa, kinasuhan ng graft at paglabag sa procurement law sa Sandiganbayan

by Radyo La Verdad | December 2, 2015 (Wednesday) | 2119

SANDIGANBAYAN
Dalawang kasong graft at isang paglabag sa procurement law ang isinampa ng Ombudsman laban kay dating MRT Gen. Manager Al Vitangcol III at limangiba pa sa Sandiganbayan.

Kaugnay ito ng umano’y pakikipagsabwatan ni Vitancol sa ilang opisyal ng Philippine Trans Rail Management and Services Corporation o PH Trams upang maiaward sa naturang kumpanya ang maintenance ng MRT noong October 2012.

Ayon sa impormasyon ng kaso, ginamit ni Vitangcol ang kanyang posisyon bilang general manager ng MRT at member ng Bids and Awards Committee upang paboran ang PH Trams.

Hindi rin aniya sinabi ni Vitangcol na may maaaring conflict of interest sa proyekto dahil pamangkin ng kanyang asawa ang isa sa mga director ng PH Trams.

Paglabag ito sa procurement law dahil hindi inilagay ni Vitangcol sa kanyang affidavit of disclosure ang kanyang relasyon sa director ng PH Trams na sanay isang valid ground upang madiswalipika ang kumpanya sa bidding procedure.

Maliban kay Vitangcol kasama sa kinasuhan ang kanyang uncle in law na si Arturo Soriano, kabilang ang iba pang opsiyal ng PH Trams na sina Wilson de Vera, Marlo dela Cruz, Manolo Maralit at Federico Remo.

Sinubukan naming kunan ng pahayag si Vitangcol ngunit hindi ito sumasagot sa mga tawag at text.

Una nang itinaggi ni Vitangcol na alam niya na bahagi ng PH Trams ang kanyang uncle in law.

Samantala, kinasuhan din sa Sandiganbayan ang labin isang opisyal ng Government Service Insurance System o GSIS, kabilang na ang dating presidente na si Winston Garcia.

Kaugnay naman ito sa umanoy pagbibigay ng pabor at pribilehiyo sa Union Bank of the Philippines para sa kanilang proyekto na e-card noong 2004.

Ayon sa Ombudmsan, ibinigay ang proyekto sa Union Bank kahit hindi naayon sa nakatakdang proseso sa implementing rules and regulation sa ilalim ng Republic Act 9184 at hindi pa tapos ang pagpapasa ng bid proposals para sa proyekto.

Sa ngayon ay nakatakda pa iraffle ang mga kaso ni Vitangcol at Garcia sa mga division ng Sandiganbayan. (Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: , ,