Magkahalong tagumpay at pagkadismaya ang naramdaman ng pamilya Laude matapos mahatulang guilty sa kasong homicide si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton kaugnay ng pagpatay kay Filipino transgender Jeffrey “Jennifer” Laude.
Sa animnapung pahinang desisyon ng Olongapo Regional Trial Court Branch 74, si Pemberton ay mapaparusahan ng mula anim na taong pagkakakulong o prision correccional hanggang labindalawang taong pagkakaulong o prision mayor.
Iniutos ng korte na agaran at pansamantalang ikulong kay pemberton sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.
Maliban sa pagkakakulong, pinagbabayad rin si pemberton ng mahigit 4.6 million pesos para sa civil, actual at moral damages.
Napatunayan sa paglilitis ng korte na namatay si Laude dahil sa asphyxia dulot ng pagkalunod o drowning.
Mas binigyang credence ng korte ang findings ng PNP Crime Laboratory Region 3 na ang mga sugat na natamo ni Laude sa kanyang leeg ay resulta ng oozing fluid sa kanyang lalamunan o drowning kaysa pagkakasakal o strangulation.
Inisa-isa ng korte ang mga mitigating at aggravating circumstance sa kaso.
Hindi kinatigan ng korte ang aggravating circumstances na unang iprinisenta ng prosekusyon upang masabing murder ang kinasasangkutang krimen ng sundalo.
Kabilang rito ang treachery, abuse of superior strength at cruelty.
Sa halip, sinabi ni Branch 74 Judge Roline Ginez Jabalde, na dalawang mitigating circumstances lamang – ang passion at intoxication – ang oresent sa kaso.
Ngunit ayon sa pamilya Laude, hindi sapat ang anim hanggang labindalawang taong pagkakaulong upang mapagbayaran ni Pemberton ang ginawa nito sa transgender.
Sa kabila nito kinatuwa ng pamilya sa utos ng korte na makulong si Pemberton sa bilibid.
Samantala, dahil sa conviction, sinabi ng abugado ni Pemberton na si Atty. Rowena Garcia Flores na agad iilang iaapela ang desisyon sa Court of Appeals at Supreme Court.
Sinabi naman ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino na malaking bagay para sa kanilang lugar ang pagwawakas ng paglilitis sa kaso ni Pemberton.
Dahil aniya rito, manunumbalik na ang normal na buhay ng mga residente ng lungsod, lalung lalo na ang mga nasa sektor ng turismo. (Bianca Dava/UNTV News)
Tags: Filipino transgender Jeffrey "Jennifer" Laude, Olongapo Regional Trial Court Branch 74, US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton