10:00 pm – 5:00 am curfew sa NCR, ipatutupad sa loob ng 2 Linggo simula March 15

by Erika Endraca | March 12, 2021 (Friday) | 2057

METRO MANILA – Napagkasunduan ng mga Metro Manila mayor na gawing unified o magkakapareho ang curfew hours sa buong National Capital Region.

Ito ay upang hindi malito ang mga mamamayan sa magkakaibang curfew hours na ipinatutupad sa mga lungsod at munisipalidad.

Kaya simula sa Lunes, March 15, ipaiiral na ang curfew mula alas diyes ng gabi hanggang alas singko ng madaling araw sa buong Metro Manila.

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos Jr., ito ang isa sa mga paraang nakikita ng Metro Manila mayors na naalarma sa pagdami ng Covid-19 cases sa rehiyon.

Kung saan mula sa 360 daily new covid-19 cases noong Pebrero sa kalakhang Maynila, umaabot na ito sa 1,411 sa nakaraan lang na 7 araw ngayong buwan.

Mahigpit na ipatutupad ang bagong curfew hours sa loob ng 2 Linggo bagaman maaari itong tanggalin kung bubuti ang kalagayan ng bansa kontra pandemya.

“Bakit 2 lingo? Dahil ang buhay ng virus ay mga 2 linggo kung makikita mo na. Kung ito ay may improvement, maaaring tanggalin na po ito sapagkat sa mga kaso ngang nasabi kanina ay talagang nakakaalarma.” ani MMDA Chairman Benhur Abalos Jr.

Sa pagpapatupad ng bagong curfews hours sa buong kalakhang maynila, papayagan pa rin ang operasyon ng mga essential work maging ang pagbubukas ng mga restaurant at fastfood chain para sa take out orders.

Kailangan lang magpakita sa mga otoridad ng identification ang mga manggagawang pinapayagang lumabas ng bahay sa kabila ng pinaiiral na curfew hours.

“Ayaw namin guluhin ang komersyo dito lalo na yung mga agricultural products, lahat po yan. Hindi maaantala yan. Kung ano yung dating patakaran tungkol dito, wala kang problema. Kamukha po rin nung sinasabi po natin, yung mga essentials like mga food deliveries, yung mga restaurants, miski magbukas sila basta idi-deliver lang nila, walang kakain sa restaurant after 10 o’clock.” ani MMDA Chairman Benhur Abalos Jr.

Samantala, papatawan ng parusa ang mga lalabag batay sa ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,