Sa pag-aaral ng International Renewable Energy Arena noong 2017, 89.6% na mga bahay sa buong Pilipinas ang mayroon lamang supply ng kuryente at 2.36 milyon ang hindi nakakabitan o maituturing na nasa off-grid areas.
Ayon sa Department of Energy, nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na matapos ang 100% electrification sa buong bansa sa taong 2022.
Ayon sa pangulo, hindi pumapayag ang mga distribution utility (DU) na makapasok ang ibang pribadong sektor sa kanilang franchise area.
Ito aniya ang nakakahadlang sa electrification project ng pamahalaan.
Sa isang buong araw, tatlong oras lamang may kuryente sa barangay Little Baguio sa Malita, Davao Occidental.
Ayon kay Barangay Captain Ferdinand San, alas sais hanggang alas nuwebe lamang nagkakaroon ng kuryente gamit ang isang generator, ito ang nag-susupply ng kuryente sa mahigit isang daang bahay sa barangay.
Naniniwala ang DOE na renewable energy ang susi upang mabigyan ng kuryente ang mga nasa liblib at malalayong lugar, kung kayat bukas ang kagawaran na tumanggap ng tulong mula sa mga pribadong sektor.
Kamakailan ay nakipagkasundong muli ang pamahalaan sa European Union upang matuloy ang nasa 11 bilyong piso na pondo para sa renewable energy project.
Magbibigay ng mga solar panels ang EU sa mga lugar na imposibleng makabitan ng linya ng kuryente.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: Department of Energy, electrification, Pangulong Duterte